1Ano po itong MPL and CL E-Mail Filing ng Pag-IBIG Fund?

Ito po ang pinakaligtas na paraan para makapag-apply ka ng Pag-IBIG Fund Multi-Purpose Loan (MPL) or Calamity Loan ngayong lahat tayo ay nag-iingat laban sa COVID-19.

2Paano po ang proseso ng E-Mail Filing? Paano ako makakapag-apply ng MPL o Calamity Loan sa ngayong wala kaming pasok sa kumpanya at hindi kami maaaring lumabas ng bahay?

Habang tayo ay umiiwas sa panganib na dulot ng COVID-19, sundin po ang mga sumusunod upang makapag-apply ng MPL o Calamity Loan:

  • Magdownload ng MPL o Calamity Loan application form mula sa Pag-IBIG Fund website. I-print ito, punan ang kailangang impormasyon at pirmahan. Kasama na din po dapat ang pirma ng dalawang (2) witnesses
  • I-scan o kunan ito ng litrato upang maipadala sa inyong company HR, authorized representative o Fund Coordinator. Sila naman ang magpri-print nito para pirmahan ang Application Agreement portion. Matapos nila itong pirmahan, sila naman ang mag-iiscan o kukuha ng litrato dito upang ipadala pabalik sa inyo
  • I-scan o kunan ng litrato ang isang valid ID, at ang iyong Landbank, DBP, UCPB Cashcard o Loyalty Card Plus, kung alinman ang mayroon ka. Kung Loyalty Card Plus and ipapadala, kunan ng malinaw ang harap at likod ng card.
  • Ipadala ang inyong loan application na may pirma mo at ng inyong employer, valid ID at cashcard sa email address na inilaan ng Pag-IBIG Fund sa iyo, na base sa main office ng iyong employer.
  • Puwede din naman na ang employer ninyo na ang mag-email ng inyong application form at ibang documentary requirements sa email address na inilaan ng Pag-IBIG Fund sa inyo, na base sa main office ng iyong employer. Depende na po ito sa usapan niyo sa inyong employer.
3Paano kung wala akong scanner at printer sa bahay, may ibang paraan ba para mag-apply?

Kapag ganito ang sitwasyon, gamitin po ninyo ang fillable forms sa aming website. Narito po ang proseso:

  • Gamit ang smartphone o computer, punan ang MPL o Calamity Loan Fillable Application Form na maaaring ma-download mula sa Pag-IBIG Fund website.
  • I-save ang kinumpletong form. Hindi niyo na kailangan i-print at pirmahan ang fillable form na ito.
  • I-email sa inyong company HR, authorized representative o Fund Coordinator, kasama ang litrato ng isang valid ID niyo, ganun din ang litrato ng iyong Landbank, DBP o UCPB Cashcard o ‘di kaya ay Loyalty Card Plus. Kung Loyalty Card Plus ang inyong ipapadala, kunan ng malinaw na litrato ang harap at likod ng card.

Sa ganitong proseso, ang inyong company HR lamang ang maaaring magpadala via email ng inyong loan application sa Pag-IBIG Fund. Sila ay maglalakip ng isang certification na nagpapatunay na ikaw ay empleyado ng kanilang kumpanya at tunay na nag-aapply para sa Pag-IBIG Fund MPL o Calamity Loan.

4Bakit kailangan pang pirmahan o i-certify ng company ko ang loan application ko?

Ito po ay isang paraan ng Pag-IBIG Fund upang protektahan ang inyong benepisyo at maseguro na ang inyong loan application ay lehitimo. Paraan din ito upang i-certify ng inyong employer ang inyong kakayanang mabayaran ang inyong Pag-IBIG Fund MPL o Calamity Loan.

5Kailangan pa po ba ng payslip? Sarado po ang opisina namin ngayon. Hindi ako makakakuha ng requirements.

Hindi na po ito kailangan sa pansamantalang prosesong ito. Ang pagpirma sa Application Agreement o pagpapadala ng Employer Confirmation of STL Application ng inyong employer ay sapat na upang magpatunay na kayo ay may kakayahang humiram sa MPL or Calamity Loan program ng Pag-IBIG Fund at nagpapakita ng pagsang-ayon nila na ibabawas sa inyong suweldo ang buwanang bayad sa inyong loan sa oras na ito ay kailangang bayaran na.

6Puwede na ba akong mag-apply ng Pag-IBIG Fund MPL?

Kung ikaw ay may at least 24 monthly savings (contributions), puwede ka ng mag-apply. Hindi po kailangang tuloy-tuloy ang hulog. Ang importante ay may isang hulog ka within the last six (6) months.

7Magkano ang mahihiram ko sa ilalim ng Pag-IBIG Fund MPL?

Ang mahihiram ninyo ay hanggang 80% ng inyong kabuuang naipon sa ilalim ng iyong Pag-IBIG Regular Savings na binubuo ng hinuhulog mo buwan-buwan, yung counterpart na hulog ng iyong employer (kung ikaw ay employed), at yung kinikitang dibidendo ng iyong hulog taun-taon.

8Puwede na din ba akong mag-apply ng Pag-IBIG Fund Calamity Loan?

Kung ikaw ay naninirahan o ‘di kaya’y ang iyong trabaho ay nasa isang lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine, at may at least 24 monthly savings (contributions), puwede ka nang mag-apply. At tulad sa Pag-IBIG Fund MPL, hindi po kailangang tuloy-tuloy ang hulog. Ang importante ay may isang hulog ka within the last six (6) months.

9Magkano po ang mahihiram ko sa ilalim ng Pag-IBIG Fund Calamity Loan?

Katulad ng MPL, ang mahihiram ninyo ay hanggang 80% ng inyong kabuuang naipon sa ilalim ng iyong Pag-IBIG Regular Savings na binubuo ng hinuhulog mo buwan-buwan, yung counterpart na hulog ng iyong employer (kung ikaw ay employed), at yung kinikitang dibidendo ng iyong hulog taun-taon.

10 May existing Pag-IBIG Fund MPL po ako. Maaari pa din ba akong mag-Calamity Loan?

Opo, basta’t updated kayo sa pagbabayad ng inyong MPL at kung mayroon man, ng inyong Pag-IBIG Fund Housing Loan, bago ipatupad ang enhanced community quarantine nitong Marso 16, 2020.Kukuwentahin po namin ang 80% ng inyong Pag-IBIG Regular Savings at kung magkano pa ang balanse ng inyong MPL. Ang diperensya ang halagang inyong mahihiram.

11 Paano naman kung may existing Pag-IBIG Fund MPL po ako. Maaari pa din ba akong mag-MPL uli?

Opo, basta’t may at least anim (6) na buwang bayad na kayo sa inyong existing MPL. Dapat din ay updated kayo sa pagbabayad ng inyong MPL, at kung mayroon man, sa inyong pagbabayad sa inyong Pag-IBIG Fund Housing Loan, bago maipatupad ang enhanced community quarantine nitong Marso 16, 2020. Ibabawas na lamang po namin sa inyong mahihiram ang balanse ng inyong existing MPL.

12Gaano katagal bago ma-approve ang loan ko?

Oras na matanggap namin mula sa inyo o sa inyong employer ang inyong loan application at ang kumpletong requirements nito, maaari po ninyong matanggap ang inyong loan sa loob ng pito (7) hanggang dalawampung (20) araw. Humihingi po kami ng konting pasensya at pang-unawa kung mas matagal kaysa dati ang pag-process ng inyong loan dala ng kasalukuyan nating sitwasyon.

13Ano po ang mangyayari sa loan application ko na nai-submit ko bago ipatupad ang enhanced community quarantine dito sa aming lugar?

Patuloy po ang pagpoposeso namin ng mga loan applications na natanggap bago ipatupad ang enhanced community quarantine.

14Paano ko malalaman kung approved ang loan ko?

Makakatanggap po kayo ng text message mula sa Pag-IBIG Fund kung ang inyong loan ay na-approve at nai-credit na sa inyong Loyalty Card Plus, LandBank, DBP o UCPB cashcard. Paalala po, walang processing fee sa pagproseso ng inyong loan.

15Saang email address po ipapadala ang loan application?

Ipadala po ninyo ang inyong aplikasyon at ang mga kalakip na requirements nito sa email address na nakalaan para sa inyo. Puwede din na ang employer mo ang magpadala ng inyong aplikasyon, muli, depende sa usapan ninyo.

  • NCRNorth@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employers na sakop ng aming GMA Kamuning, Quezon Avenue, Commonwealth Avenue, Cubao, Marikina, Caloocan – EDSA, Valenzuela, Pasig, Mandaluyong - Shaw Zentrum and Antipolo branches
  • NCRSouth@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employers na sakop ng aming Makati-Buendia I, Binan, Makati-Ayala Avenue, Makati-Buendia II, Makati-JP Rizal, Taguig - Gate 3 Plaza, Guadalupe-EDSA, Muntinlupa, SM Aura, Intramuros, Sta. Mesa, Binondo, Pasay, Las Pinas-Robinsons Place, Paranaque, Imus, Rosario, and Dasmarinas branches
  • Ilocos@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming La Union, Laoag, Vigan, Dagupan, Urdaneta, and Baguio branches
  • Cagayanvalley@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Tuguegarao, Solano, and Cauayan branches
  • Centralluzon@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming San Fernando, Tarlac, Angeles, SBMA, Balanga, Malolos, Baliwag, Cabanatuan, and Meycauayan branches
  • Southerntagalog@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Lucena, Batangas, Lipa, Calamba, San Pablo, Sta. Rosa, Calapan, and Palawan branches
  • Bicol@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Legazpi and Naga branches
  • Centraleastvisayas@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Cebu-Ayala, Dumaguete, Talisay, Toledo, Cebu-Colon, Mandaue, Danao, Mactan, Tagbilaran, Tacloban, Calbayog, and Ormoc branches
  • Westvisayas@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Iloilo-Manduriao, Iloillo-Molo, Kalibo, San Jose de Buenavista, Roxas, Bacolod, Kabankalan, and Sagay branches
  • Northmindanao@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming CDO-Lapasan, CDO-Carmen, Valencia, Butuan, San Francisco, Surigao, and Iligan branches
  • Westmindanao@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Zamboanga, Dipolog, and Pagadian branches
  • Southwestmindanao@pagibigfund.gov.ph
    Para sa mga miyembro at employer na sakop ng aming Davao-Bajada, Davao-Matina, Davao-Lanang, Digos, Tagum, Panabo, General Santos, Polomolok, Koronadal, Kidapawan, and Cotabato branches