|
Home > News Room
Mahigit 600,000 pamilya direktang nabiyayaan ng pabahay
Nagkaroon ng seguridad sa paninirahan ang may 614,246 pamilya sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno na direktang nagkakaloob ng benepisyong pabahay simula noong 2001.
Ito ang ipinahayag ni Bise Presidente Noli “Kabayan” De Castro sa kanyang ulat tungkol sa sektor ng pabahay kaugnay ng nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Bunga ito ng mga programang pabahay na nakatutok sa pinakamababang 30 porsiyento ng populasyon,” ani De Castro na siyang Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
Ayon pa kay De Castro, patuloy ang agresibong pagpapatupad ng mga programang ito para tugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na pamilyang walang sariling tahanan.
Sa ilalim ng Asset Reform Program, 195,445 pamilya na ang nagkaroon ng shelter security sa pamamagitan ng 96 Presidential Proclamations na nilagdaan ni Presidente Arroyo na nagdedeklara ng mga hindi nagagamit na lupain ng gobyerno bilang socialized housing sites.
Sa National Government Center Housing Project naman, 21,451 pamilya ang naging benepisyaryo simula nang maipasa ang National Government Center Housing and Land Utilization Act of 2003.
Sa Community Mortgage Program (CMP) ay may 70,945 benepisyaryo sa 550 komunidad sa iba’t ibang lugar sa bansa ang nakinabang sa P31.21 bilyong kabuuang pautang mula 2001.
Ayon din kay De Castro, and relokasyon ng mga taga-riles ang isa sa mga naging prayoridad ng HUDCC sa ilalim ng kayang pamumuno.
Sa Northrail, 21,023 pamilya ang nailipat sa mga relocation sites mula sa kanilang mga dating tahanan sa kahabaan ng riles mula Kalookan hanggang Malolos, Bulacan.
Sa Southrail naman ay 7,404 pamilya mula sa Manila, Makati at Cabuyao ang nailipat sa permanenteng relocation site sa Cabuyao.
Bukod dito, 6,095 pamilya rin ang nai-relocate bilang bahagi ng Pasig River Rehabilitation Program at 8,589 pamilya mula sa iba pang peligrosong lugar, mga estero at iba pang waterways sa Metro Manila ang nailikas at nabigyan ng relocation assistance.
Ang mga iba’t ibang Government Financial Institutions (GFIs) ay nagdadag din nga mga benipisyaryo sa pamamagitan ng mga programa sa socialized at low-cost housing para sa mga low-income employees.
Ang Pag-IBIG Fund ay nakapaglaan ng kabuuang P56.08 bilyong socialized at low-cost housing loans sa 156,731 na pamilya simula noong 2001.
Sa ilalim naman ng Institutional Financing ng Pag-IBIG ay 75,944 housing units ang naitayo sa pamamagitan ng P15 bilyong pautang. Ang mga ibang GFIs naman, kabilang ang Land Bank, SSS, GSIS at DBP, ay nakatulong sa 50,619 pamilya sa pmamagitan ng kanilang housing loan programs. |